Nagkaroon ang Kolehiyo ng Miram ng isang pagtitipon noong Agosto 28 bilang institusyonal na pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa. Dinaluhan ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang yunit ng kolehiyo ang okasyon na ginanap sa Marian Auditorium. Pinasimulan ito sa pamamagitan ng isang panalangin na sinulat ni Bb. Guadalupe Isidro; isinalin sa walong pangunahing wika ng Pilipinas ang nasabing dasal. Sinundan ito ng pagtataas ng bandila sa pamumuno ni Dr. Francis Evangelista, OIC-Dekano ng Kolehiyo ng Sining at Agham, ang Konseho ng Pangulo, at mga mag-aaral na namuno sa dalangin. Ang pagkanta ng Lupang Hinirang ay pinangunahan ng MC Chorale. Si Gng. Maria Louella Tampinco-Lunas, Punong-Guro ng Gitnang Paaralan, naman ang naghatid ng pambungad na pananalita. 
 
Itinampok ng pagdiriwang sina G. Jhames Labrador at Bb. Hannah Chua, mula sa Gitnang Paaralan, na tumugtog ng Habanera Filipina No.2 ni Ernesto Vallejo at Bituing Walang Ningning na komposisyon naman ni Willie Cruz. Nagbigay rin ng mainit na mensahe ukol sa kahalagahan ng dulang “New Yorker sa Tondo” sa kabataan ngayon si Bb. Missy Maramara na isang alumna at dating miyembro at direktor ng Teatro Banaag. Inilahad din ni Bb. Maramara ang pagbibigay ng pagpapahalaga sa pagka-Pilipino natin na sa kabila ng idinudulot na kaligayahan ng pagpunta sa ibang bansa ay may kakaiba pa ring sarap ang pagbabalik sa sariling bansa natin, sa bansang Pilipinas. Babalik at babalik pa rin tayo sa ating pinagmulan at pinag-ugatan at dito pa rin tayo mamamalagi. Ang dula na isinulat ni Marcelino Agana noong 1950’s ay binigyan ng modernong interpretasyon ng Teatro Banaag ng Mataas ng Paaralan. 
 
Binigyang-diin ni Dr. Rosario O. Lapus sa kanyang pagtatapos na pananalita na “Tanging ang ating sariling wika lamang ang makakapaglahad ng ating tunay na damdamin at saloobin.  Kaya’t nararapat lamang na ating pagtibayin ang pagmamahal dito sapagkat sa kabuoan, ito ang tunay na nagbibigay sa atin ng kapangyarihang hubugin ang ating mga sarili at ang ating bansa.”
 
Ang mga tagapagdaloy ng programa ay sina Dr. Gail Reyes-Galang mula sa Antas Kolehiyo at G. Margarito Fernandez III ng Mababang Paaralan. Samantala nagkaroon din ng eksibit sa Marian Auditorium Lobby ng mga likha ng mag-aaral sa hayskul na tinawag na “Tani-tanikalang Tula”; kasama rin sa eksibit ang “Talas-Isipan: Sino ang Nagwika?” at mga Likha-Islogan poster ng mga mag-aaral sa kolehiyo.